OSG, muling nanindigan na hindi dapat isapubliko ang mga dokumento sa drug war

Manila, Philippines – Bago tuluyang ipasa sa Korte Suprema ang mga dokumento na may kinalaman sa giyera kontra droga, naglabas ng isang kondisyon ang Office of the Solicitor General (OSG).

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, ibibigay nila ang listahan ng mga nasawi sa drug operations ng PNP, kung hindi ito ibabahagi ng Supreme Court (SC) sa publiko.

Nabatid na 2 ang petitioner na humihiling sa mga dokumento sa OSG, kabilang na dito ang Center for International Law at Free Legal Assistance Group.


Ani Calida, naniniwala siyang sumang-ayon ang SC sa inilatag nilang kondisyon, dahil kung hindi ito pumayag ay maglalabas ang kataas-taasang hukuman ng kautusan para bigyan ng OSG ng kopya ang ibang panig na sangkot sa kaso.

Magugunitang matapos ang oral arguments noong nakaraang taon, inatasan ng Korte Suprema si Calida na isumite ang pangalan ng mga biktima ng drug war, petsa at lugar kung saan ginawa ang operasyon, pangalan ng PNP team leader at mga tauhan nito na nagsagawa ng operasyon at pangalan ng mga kinatawan ng media, NGO at barangay official na naging saksi sa operasyon.

Facebook Comments