Ayon kay Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng Cagayan, mayroon umanong duplication sa datos kaya’t nang tingnan ang listahan ay nabatid na hindi umaabot sa level ng outbreak ang kaso ng dengue.
Bagama’t wala aniya sa alert threshold ang dengue cases ay pagtutuunan pa rin ito ng pansin ng pamahalaan.
Sa pinakahuling datos ng PHO, umaabot sa 623 ang dengue cases sa Cagayan at tatlo (3) ang nasawi dulot ng naturang sakit mula sa Lasam, Baggao at Gattaran.
Dagdag pa ni Dr. Cortina, nakatutok ang kanilang tanggapan kasabay ng pagpapaalala sa lahat ang kahalagahan ng “4S” tulad ng Search and Destroy, Self-protection, Seek Early Treatment at Say No to Fogging dahil mas mainam aniya na mag-spray upang mamatay ang lamok na carrier ng virus.
Mahalaga rin umano na malaman ng tao ang sintomas na lagnat, masakit na kalamnan at sakit ng tiyan para maagapan ang sakit na ito.