P1-B na Pondo sa TUPAD Program, Tiniyak ng DOLE na Maipapamahagi Lahat Ngayong 2021

Cauayan City, Isabela- Kumpiyansa ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 na maipapamahagi lahat ang mahigit P1 bilyong pisong pondo para sa lahat ng mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (*TUPAD*) program.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE Region 2, as of November 2021, umaabot na sa mahigit P834-Million ang naibigay sa mahigit 168,000 na TUPAD beneficiaries sa buong Lambak ng Cagayan.

Lahat aniya ng 93 LGUs sa buong rehiyon dos ay nakapamahagi na ng TUPAD assistance sa mga workers at karamihan sa mga LGUs ay dalawang beses nang nakapag bigay ng sahod sa mga benepisyaryo.

Pinakamarami naman sa buong rehiyon ang Lalawigan ng Isabela sa mga nabigyan ng TUPAD assistance.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang ginagawang TUPAD payout sa ilan pang mga LGU sa rehiyon gaya na lamang sa mga bayan sa Lalawigan ng Quirino.

Umaasa at naniniwala naman si Trinidad na bago mag-2022 ay maibigay na sa mga TUPAD beneficiaries ang nasabing pondo.

Nilinaw din ng opisyal na naglalaro sa minimum wage na P3,700 ang natatanggap ng isang benepisyaryo kapalit ng 10 araw na pagtatrabaho nito habang umaabot naman sa Php11,100.00 na sahod kung 30 araw na nagtrabaho.

Inihayag rin ni Trinidad na maganda ang nasabing programa para sa mga nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya kung kaya’t sa mga nais aniyang matulungan at mapabilang sa naturang programa ay kinakailangan lamang makipag-ugnayan o magtungo sa tanggapan ng DOLE o PESO.

Facebook Comments