P10.4-B na SAP funds, nawawala ayon kay Senator Pacquiao
Ibinunyag ni Senator Manny Pacquiao na P10.4 billion ang pondo sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP ang hindi umano nakarating sa mga benepisaryo.
Sa kaniyang pulong balitaan ay sinabi ni Pacquiao na P14 billion ang kabuuang pondo ng SAP para sa 1.8-milyong benepisaryo na ipinamahagi sa pamamagitan ng StarPay E-wallet.
Pero isiniwalat ni Pacquiao na 500,000 lang sa mga benepisaryo an nag-download ng StarPay E-wallet kaya malinaw na sila lang ang nakatanggap ng ayuda.
Ayon kay Pacquiao, P207.6 billion ang inilaan ng gobyerno sa ikalawang round ng ayuda o SAP at sa nabanggit na halaga ay humigit-kumulang P50 billion ang dinala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Starpay.
Sabi ni Pacquiao, maghahain siya ng resolusyon para maimbestigahan ito ng Senate Blue Ribbon Committee at doon niya ibibigay ang kaniyang mga ebidensya, mayroon din daw siyang testigo na hindi muna niya pinangalanan.
Sa kaniyang virtual presscon ay ipinakita ni Pacquiao ang sangkaterbang mga dokumento na aniyang patungkol sa mga katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Tulad aniya sa Department of Health (DOH) na bumibili ng mga expired na gamot.
Sa simula pa lang ay agad binigyang diin ni Pacquiao na hindi dapat magalit sa kaniya si Pangulong Rodrigo Duterte dahil nais lamang niyang tumulong sa kampanya nito laban sa korapsyon.