Nilagdaan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang ordinansang magbibigay ng P1,000 monthly allowance sa mga estudyante ng mga pampublikong unibersidad sa lungsod.
Simula Enero 2020, makatatanggap ng allowance ang mga undergraduate students ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM), alinsunod sa City Ordinance No. 8568.
Kinakailangan ang estudyante ay residente at rehistradong botante ng Manila, o kung menor de edad naman ay dapat botante sa lungsod ang magulang o legal guardian nito.
Malinis din dapat ang disciplinary record ng mga estudyanteng makatatanggap ng allowance.
Manggagaling ang pera mula sa ATM cards para makaiwas umano sa korapsyon, ayon kay Moreno.
“Kaya ko siya gusto i-ATM kasi ‘yung corruption mawawala. We really wanted to be efficient in such a way. Also mas kapaki-pakinabang in terms of ginhawa,” aniya.
Tinawag naman ni UdM President Ernesto Maceda Jr. ang ordinansa na “hulog ng langit” at malaking tulong dahil marami raw hirap na estudyante.
“‘Yung students namin, hindi naman namin sagot ‘yung kanilang nutrition. Marami sa kanila pumapasok na walang almusal, hindi makabili ng gamit,” aniya.
Tinatayang nasa 10,000 college students ang makikinabang sa pagkakapasa ng naturang ordinansa.