Naipamahagi na ng Department of Agriculture (DA) ang P12 million mula sa kabuuang P1.1 billion na pondo para sa fuel subsidy ng mga corn farmers at mangingisda sa buong bansa na apektado ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.
Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na makakatanggap ng P3,000 fuel subsidy ang mga magsasakang rehistrado sa ilalim ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at mga mangingisdang rehistradi rin sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Aniya, prayoridad muna nilang mabigyan ng subsidiya ang mga nakalista kung kaya’t hinihikayat ng ahensya ang iba pa na magparehistro na rin.
Nabatid na nasa 300,000 corn farmers at fisherfolk ang makikinabang sa programa.
Matatandaang pinayagan na ng Commission on Elections (Comelec) na maipagpatuloy ng DA ang pamamahagi ng fuel subsidy sa kabila ng umiiral na election spending ban.
Sabi naman ni Reyes, itutuloy nila ang pamamahagi ng subsidiya sa katapusan at magtutuloy-tuloy hanggang sa mabigyan ang lahat ng benepisyaryo.
Bukod sa fuel subsidy, nagbibigay rin ang DA ng P5,000 na ayuda sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance na exempted din sa election spending ban.