P13.00 Pamasahe sa Pampasaherong Tricycle sa Cauayan City, Mananatili; Hirit na Dagdag-Pasahe,Posible

Cauayan City, Isabela- Mananatili pa rin sa 13 pesos ang pamasahe sa pampasaherong tricycle sa poblacion area ng lungsod ng Cauayan habang naghihintay pa ng opisyal na pag-apruba ng lokal na pamahalaan para sa hiling na dagdag-pasahe ng mga tricycle driver.

Ito ay sa harap pa rin ng matinding pasanin ng mga tsuper sa ilang linggong patuloy ang pagtaas ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, inilapit na sa tanggapan ni City Vice Mayor Leoncio “Bong’ Dalin ang hinaing ng mga tsuper para sa hiling na gawing P15.00 ang pamasahe ngunit kailangan pa umano itong pag-usapan sa gagawing pulong ng City Council.

Ipinaliwanag naman ng opisyal na kapag lampas na sa 1-kilometro ang destinasyon ng pasahero ay kailangan na itong magdagdag ng pamasahe batay sa fare matrix na aprubado ng lokal na pamahalaan.

Samantala, dalawang pasahero naman ang kailangan lang na maisakay sa pampublikong tricycle batay pa rin sa nauna nang kautusan na ipinalabas mula sa tanggapan ng alkalde.

Sa ngayon, nasa ‘status quo’ naman ang usapin sa posibleng pagpapalit sa number coding scheme ng mga namamasadang tsuper.

Hihintay naman ang opisyal na kautusan ng konseho para sa inaasahang agarang implementasyon ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong tricycle.

Facebook Comments