Nabisto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang isang indoor na taniman ng marijuana sa Taguig City.
Arestado ang Spanish national na si Raul Antonio Cisneros, 36-years old at ang kaniyang misis na si Meljie Maquiling matapos masamsam ang 137 na paso ng marijuana na may estimated value na P2 milyon sa loob ng kanilang kuwarto sa Unit 411 sa Kamala Building 4th Level, Royal Palm Residence Acacia State., Brgy. Ususan, Taguig.
Nakumpiska rin ng PDEA ang iba’t ibang apparatus na ginagamit ng may-ari para mapanatili ang tamang temperatura sa pagpapalago ng tanim nitong marijuana.
Isang linggo munang isinailalim sa surveillance si Cisneros matapos mapag-alamang siya ang source ng high grade cannabis/kush.
Nang magpositibo, dito na nagkasa ng buy-bust operation ang PDEA at Regional Drug Enforcement Unit ng Rizal at Taguig-PNP.
Inaresto ang suspek matapos bentahan ang ahente ng PDEA ng tatlong piraso ng plastic sachet ng dried kush/marijuana na nagkakahalaga ng P5,000.00
Kumpiyansa ang PDEA na magreresulta ang nangyaring anti-illegal drug operation sa pagkaputol ng drug supply sa National Capital Region (NCR) at sa mga kalapit na bayan sa Rizal.