P20, 000 FINANCIAL AID SA 576 BARANGAYS NG LA UNION NOONG 2024, HINDI PA UMANO NAIBIBIGAY

Umapela ng kasagutan si Liga ng mga Barangay President La Union Chapter Hon.Ramon Guio Ortega Jr.sa naganap na privilege hour sa Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng La Union ukol sa umano’y P20, 000 na financial aid sa mga barangay na hindi pa rin naibibigay hanggang sa kasalukuyan.

Ang tinutukoy na P20, 000 na Aid to Barangays ay taon-taong kabilang sa aprubadong annual budget ng Pamahalaang Panlalawigan bilang pondo sa mga proyekto ng mga barangay.

Noong 2024, kabilang umano sa pinirmahang budget ang naturang financial aid ngunit hindi pa rin nai-ibigay lumipas na ang taon.

Hinaing umano ng mga punong barangay kung ibibigay at kailan matatanggap ang naturang pondo. Palaisipan din umano kung isasabay ito sa Aid to Barangay fund ngayong 2025.

Samantala, parehong usapin sa release ng budget na laan sa financial assistance ang daing ni Governor Raphaelle David matapos dumulog sa kanya ang ilang residente dahil sa hindi pa rin natatanggap na tulong pinansyal.

Kaugnay nito, umaasa ang mga opisyal na makakatanggap ng kasagutan mula sa Sangguniang Panlalawigan upang malinawan din ang mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments