P20M Halaga mula sa NTF-ELCAC, Ipinagkaloob sa Isang Barangay sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Naglabas na ng P20 milyong halaga ng pondo ang Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga na ilalaan para sa barangay Babalag East sa bayan ng Rizal para sa Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ang nasabing halaga ay bahagi ng P16-billion budget ng pamahalaan para sa 822 na mga barangay sa bansa na naideklarang malaya mula sa impluwensiya ng communist-terrorist groups (CTG).

Isa lamang ang barangay Babalag East sa walong (8) barangay sa rehiyon ang maswerteng makakatanggap ng nasabing pondo.


Gagamitin ang pondo sa tatlong (3) proyekto tulad ng pagtatayo ng Water System na nagkakahalaga ng P3-milyong piso, Health Center Building na nagkakahalaga ng P2-milyong piso at rehabilitasyon sa kalsada na nagkakahalaga naman sa P15-milyong piso.

Nakatakda naman ang gagawing ground breaking ceremony sa nasabing proyekto sa May 24, 2021 na inaasahang dadaluhan ni NTF-ELCAC Vice-Chairperson Secretary Hermogenes Esperon Jr., Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA), Undersecretary Marlo Iringan ng Department of Interior and Local Government (DILG), mga tauhan ng DILG-Cordillera at mga lokal na opisyal ng probinsya ng Kalinga.

Samantala, bukod sa Babalag East, kasama din sa mga makakatanggap ng pondo ang mga barangay ng Bayabas, Buanao, Dulao, Duldulao, Ud-udiao in Malibcong at Barangay Naguilian sa bayan ng Salapadan ng Lalawigan ng Abra, at Barangay Tamboan sa Besao, Mt. Province.

Facebook Comments