P230K HALAGA NG BAHAY, IPINAGKALOOB NG PNP SA ISANG MAHIRAP NA PAMILYA

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na iginawad ng kapulisan kasama ang ilang opisyal ng LGU San Mateo, Isabela at stakeholders ang isang bagong tayong bahay sa pamilyang Verdadero sa Brgy. Gaddanan ng nasabing bayan.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), pinangunahan ni PCol Julio Go, Acting Provincial Director ng IPPO ang pagpapasakamay sa kanilang “Pabahay Project” kasama sina PLTCol Michael Aydoc, Chief PCADU; PMaj Abdel Aziz Maximo, hepe ng PNP San Mateo maging ang LGU San Mateo, Isabela at mga stakeholders.

Labis naman ang pasasalamat nina Mr. at Mrs. Marlon Verdadero sa natanggap na bahay na tinatayang nagkakahalaga ng P230,000.00.

Ang naturang pabahay ay sa ilalim pa rin ng Community Outreach Program Malasakit Challenge ng PNP.

Bukod sa bagong tirahan na ipinagkaloob sa nasabing pamilya, tumanggap rin ang mga ito ng ilang sakong bigas, mga gamit pang kusina, kitchen storage organizer, grocery items at single burner stove na may gas cylinder tank.

Layunin ng naturang proyekto na makapag-abot ng tulong sa mga Indigent Family upang sila ay mabigyan ng maayos at disenteng tirahan.

Facebook Comments