
Ibinunyang ni Department of Public Works and Highways o DPWH Programming Division Chief Peter Paul Cortes, sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division noong Lunes, November 9, na may 444 projects insertions umano, na nagkakahalaga ng P27.43-billion sa 2025 General Appropriations Act, si dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Cortes, ipinasok ang nasabing mga proyekto sa kanilang database at ipinangalan kay Romualdez at dating mambabatas na si Zaldy Co bilang mga proponents, alinsunod umano sa utos ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Sa pahayag ni Cortes, hindi kasali ang mga proyektong ito sa National Expenditure Program o sa Annual Budget Proposal ng ahensya, at wala ring supporting feasibility study.
Gayunpaman, binigyang diin ni Cortes na wala siyang personal na kaalaman kung may kickback o komisyon bang natatanggap ang mga proponent mula sa mga proyekto.
Dagdag pa rito, tanging ang yumaong si Cabral lang umano ang makakasagot kung pumayag ba si Romualdez na maging proponent ng mga proyekto.










