P400-M CALAMITY LOAN, ALOK NG PAG-IBIG FUND SA MGA LUGAR SA PANGASINAN NA NASA ILALIM NG STATE OF CALAMITY

Hinimok ng Pag-IBIG Fund ang mga miyembrong naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar sa lalawigan ng Pangasinan na nasa ilalim ng state of calamity na kumuha ng kanilang calamity loan assistance.
Sinabi ni branch manager ng Pag-IBIG Dagupan na si Corina Joyce Calaguin nasa humigit-kumulang PHP400 milyong pondo ang maaaring ipahiram ng ahensya.
Binigyang-diin ng opisyal na maaaring kumuha o maka-avail ng short-term loan ang mga residenteng nasa ilalim ng state of calamity kung saan maaaring mahiram ang nasa 80% ng kanilang kabuuang ipon sa PAG-IBIG.

Aniya pa, maaaring gamitin ang calamity loan sa pagkukumpuni ng mga bahay o anumang kailangan dahil ito ay naglalayong mabigyan ng agarang tulong ang mga naapektuhan ng sakuna.
Dagdag pa rito ay mayroong 5.95% interest rate lamang kada taon at maaaring bayaran hanggang tatlong taon o 36 na buwan.
Matatandaan na nagdeklara ng state of calamity ang Dagupan City, Calasiao, Mangaldan, Mangatarem, Sta. Barbara, Binmaley, Lingayen, Bautista at bayan ng Basista.
Sa ngayon, dagsa na ang mga aplikante sa mga branch ng PAG-IBIG sa Dagupan City para kumuha ng nasabing calamity loan. |ifmnews
Facebook Comments