P49-M Educational Assistance, Naipamahagi na sa 20,000 na Mag-aaral sa Region 2

Umabot na sa P49 milyon ang naipamahaging Educational Assistance sa lahat ng mga mag-aaral sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 batay sa kanilang pinakahuling datos, Setyembre 3, 2022.

Ito ang inihayag ni OIC Assistant Regional Director Franco Lopez ng DSWD Region 2 sa ‘Kapehan sa Kapitolyo’ program ng Cagayan Provincial Information Office.

Ayon sa kanya, mahigit 20,000 na mag-aaral sa buong rehiyon dos ang nakatanggap na ng cash assistance.

Sa Cagayan, mayroon ng 5,237 na indibidwal ang tumanggap ng halaga ng pera na umabot sa mahigit P15 milyon.

Mahigpit naman ang ginagawang information dissemination campaign ng ahensya kung saan ipinagbabawal na ang pagtanggap ng naturang tulong ang mga kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Facebook Comments