Inihayag ni Tez Navarro, tagapagsalita ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa, na natanggap na ng alkalde ng Ligao, Albay ang tulong pinansyal ng Muntinlupa Local Government Unit (LGU).
Ayon kay Navarro, personal na inihatid ng mga kawani ng Muntinlupa LGU ang P500,000 bilang dagdag pondo ng Ligao LGU para sa gagawing rehabilitasyon sa mga lugar nito na nasalanta ng bagyo.
Aniya, nagpahatid naman ng pasasalamat si Ligao City Mayor Patricia Gonzales-Alsua kay Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi sa pagbigay nito ng tulong pinansyal sa kanilang lungsod.
Matatandaan na naglaan ng P11 million ang Muntinlupa City Government upang ibigay sa 21 LGUs sa iba’t ibang parte ng bansa na sinalanta ng mga nagdaang bagyo, kung saan ang lungsod ng Marikina ang may pinakamalaking halaga na natanggap na umabot ng isang milyong piso.