Cauayan City, Isabela- Aabot sa P82 milyong piso halaga ng marijuana plantation ang sinira ng mga otoridad sa ilalim ng OPLAN Mike Juliet Echo sa Barangay Tulgao East, Tinglayan, Kalinga.
Pinagsanib na pwersa ng NBI Region 2, PDEA CAR, at Kalinga PPO ang pinagsisira ang nasa limang (5) plantasyon na nadiskubre ng mga operatiba.
Ayon sa ulat, nasa 11,500 fully grown marijuana plants na nakatanim sa land area na 1,370 square meters ang sinira at sinunog ng mga otoridad sa loob lang ng tatlong araw na kanilang operasyon.
Samantala, umaabot sa 404,300 fully gown marijuana plants na nakatanim sa 21,000 square meters mula sa siyam na lugar sa Mt. Chumanchil, Loccong at Tinglayan ang pinagsisira at tinatayang nagkakahalaga ng P80,860,000.
Sabay-sabay na sinira ang malawak na taniman ng mga tauhan ng Kalinga PPO, PDEA CAR, Region 2, RMFB15, CIDG Kalinga, 503rd Brigade PA, Phil. Navy, at NBI Region 2.
Inihayag naman ni Kalinga PPO Director PCol. Davy Vicente Limmong, na ang tagumpay ng otoridad sa pagkakadiskubre ng mga iligal na taniman ng marijuana ay dahil sa kooperasyon ng publiko laban sa kampanya ng pamahalaan sa usapin ng droga.