Manila, Philippines – Muling pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga bus operator sa pagbibigay sa mga driver at konduktor nito ng fixed at performance-based salary, gayundin ang maayos na kondisyon sa paggawa.
Ayon kay Bureau of Working Conditions o BWC Director Teresita Cucueco, mahigpit nilang babantayan ang implimentasyon ng DOLE Department Order No. 118-12, series of 2012, na nagtatakda sa patakaran at regulasyon sa pag-empleyo at kondisyon sa paggawa ng mga driver at konduktor ng mga pampublikong bus.
Sinabi ni Cucueco na sa pamamagitan ng department order, mababawasan ang buwis-buhay na ugali ng mga driver na tumatanggap ng kita batay sa commission-based system, dahil makakatanggap na sila ng tiyak na sahod at tamang benepisyo.
Batay sa kautusan ng DOLE, ang fixed wage component ay ang halaga na parehong sinang-ayunan ng may-ari o operator at ng driver at konduktor na hindi dapat bababa sa kasalukuyang minimum na sahod.
Samantala, bibigyan naman ng konsiderasyon sa performance-based wage component ang kanilang business performance, kasama dito ang kita o bilang ng mananakay at ligtas na pagtatrabaho, kabilang na ang kanilang safety record, tulad ng bilang ng aksidente sa kalsada at paglabag sa batas-trapiko
Nauna nang ibinasura ng Supreme Court (SC) noong Setyembre 27, 2018 ang petisyon ng grupo ng mga bus operator na naniniwalang nilabag ng DOLE order ang kanilang karapatan-konstitusyonal bilang public utility bus operator na sumailalim sa due process, patas na proteksiyon at non-impairment of obligation of contracts.