Nakahanda si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na harapin ang mga reklamong isinampa sa kaniya ng mga dating empleyado ng Duty Free Philippines.
Matatandaang sinamapahan ng kasong criminal at administratibo si Belgica ng mga dating empleyado ng Duty Free kung saan iginigiit pa ng mga ito na hiningan sila ng ₱130,000 ng commissioner.
Ito umano’y bilang kabayaran sa tulong ni Belgica sa kanila hinggil sa reklamo nila sa pamunuan ng Duty Free.
Sa pahayag ni Belgica, walang katotohanan ang mga ibinabatong akusasyon sa kaniya kung saan sinabi niya ang nasa likod nito ay ang grupo na una na ring naghain ng reklamo sa kaniya dahil sa serye ng entrapment operations at pagtupad sa trabaho nila na tapusin ang korapsyon.
Ayon pa kay Belgica, ang grupo raw na ito ay naghahanap ng paraan para siraan ang kaniyang pangalan at nanghihimok ng ilang indibiduwal para mapigilan sila sa kanilang trabaho.
Ikinalulungkot din ng opisyal na nagagamit ang mga ito ng ilang makakaliwa at teroristang grupo na may masama raw balak kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa administradyon nito.
Handa naman si Belgica na magsampa ng kontra demanda at umaasa siya na mapapanagot ang mga nasa likod ng paninira sa kaniya at sa kaniyang tanggapan.