Hindi naniniwala ang sports analyst na si Dennis Principe na edad ang dahilan ng pagkatalo ni fighting Senator Manny Pacquiao laban sa Cuban boxer na si Yordenis Ugas.
Giit ni Principe, ang sinasabing pagbagal ng galaw ni Pacquiao ay posibleng dahil sa mahigit dalawang taon nitong hindi nakatapak sa ring.
“It’s unfair na ikumpara mo si Manny sa mga ibang 40-year-old-plus fighter, kasi iba si Manny e. Now, ano yung nakaapekto bakit tumigas ang paa, bumagal, two years wala siyang laban. Kasi si Ugas, during the pandemic, may isang laban pero si Pacquiao, the entire pandemic, wala siyang laban. Sa’kin, hindi yun edad e,” paliwanag ni Principe sa interview ng RMN Manila.
Naniniwala rin ang sports analyst hindi factor sa pagkatalo ni Pacquiao ang problema nito sa pulitika.
Aniya, ilang beses nang napatunayan ng pambansang kamao na kaya niyang mag-focus sa laban sa kabila ng mga personal nitong isyu.
Dagdag pa ni Principe, may tatalunin pa si Pacquiao pero kung siya ang tatanungin ay mainam na magretiro na siya sa boksing.
“Remember, nilabanan niya si Mayweather, natalo siya. Tapos nilabanan niya si Timothy Bardley, nanalo siya. Para sakin, dun pa lang dapat tapos na, dapat hindi na siya lumaban. Pero it’s his call, kung gusto pa niya lumaban, e nasa sa kanya yun,” ani sports analyst.
“Kung kaya pa niya? Sa tingin ko kaya pa niya sa nakita kong performance niya kahapon, pero hindi na dapat tumagal na ulit ng dalawang taon yung bakante niya tapos laban,” dagdag pa niya.