Nanindigan si National Transmission Corporation o TransCo President Atty. Melvin Matibag na pawang pamumulitika ang naging akusasyon ni Senator Manny Pacquiao sa kaniya sa ginanap na Senate sub-committee hearing kahapon.
Sa interview ng RMN Manila, inihayag ni Matibag na ipinipilit ni Pacquiao na mayroong korapsyon sa Department of Energy (DOE) kung kaya tumataas ang singil sa kuryente.
Naniniwala naman si Matibag na namemersonal lamang si Pacquiao at gusto lamang silang siraan ni Energy Secretary Alfonso Cusi lalo na’t may alitan sa kanila dahil sa pagkakahati ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban.
Kasunod nito, inilarawan ni Matibag si Pacquiao na isang politikong ginagamit ang kapangyarihan bilang senador para sa personal na interes.
Kahapon, ibinunyag ni Pacquiao ang koneksiyon ni Matibag sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines o EIMOP na nasa likod umano ng sinasabing hidden charges sa singil ng kuryente.