PAF, tutulong sa DA sa paghahatid ng agri products sa mga kanayunan

Dadalhin na rin ang mga Kadiwa Store sa mga base ng Philippine Air Force (PAF) sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito’y kasunod ng isinagawang courtesy call ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa pangunguna ni DA Spokesperson, ASec. Kristine Evangelista sa Commanding General ng Philippine Air Force na si MGen. Stephen Parreño.

Sa pulong ng dalawang opisyal, napag-usapan ang mga paraan kung paano makatutulong ang Air Force sa paghahatid ng mga produktong agrikultural mula sa kanayunan patungo sa Metro Manila at iba pang key cities sa bansa.


Ani PAF MGen. Parreño, posible nilang gamitin ang kanilang mga air asset para maihatid ang mga agricultural product bilang tulong sa mga magsasakang kapos ang kakayahang makapagbiyahe ng kanilang produkto.

Dahil dito, ikinakasa na ang kasunduan sa pagitan ng DA at Department of National Defense (DND) upang ganap na maisakatuparan ang pagtutulungan ng dalawang ahensya para makamit ang food security sa bansa.

Facebook Comments