Pinaghahanda na ni Senator Joel Villanueva ang pamahalaan sa magiging epektong ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal mula sa pagsasara ng paliparan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na makaka-abala sa pagdating ng bakuna.
Ayon kay Villanueva, mayroon din itong epekto sa ekonomiya dahil maaaring tumigil ang operasyon ng mga pabrika sa Batangas at mga karatig lugar tulad ng Laguna, at Cavite.
Dagdag pa ni Villanueva, apektado rin ang turismo, dahil ang Tagaytay at ibang lugar sa Cavite at Batangas ang dinadayo ng mga lokal na turista para magbakasyon.
Kung matutuloy ang pagsabog ng bulkan ay iminungkahi ni Villanueva na gamitin ang P6.37 bilyon na Quick Reaction Fund sa ilalim ng Calamity Fund ngayong 2021.
Sabi ni Villanueva, ang naturang pondo ay nahahati sa walong ahensya na kinabibilangan ng Deparment of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Depatment of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA) at Department of National Defense (DND).
Giit ni Villanueva, dapat pagplanuhan ng gobyerno ang worst case scenario at maging pro-active sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mamamayan.
Diin ni Villanueva, dapat ilatag na ang magiging ayuda at pagtugon sa kakailanganin ng nakatira sa Batangas at Southern Tagalog Region, lalo na sa mga residente sa paligid ng danger zones.