Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ng kapitan ng barangay Sta. Isabel Sur sa lungsod ng Ilagan ang impormasyon na umano’y sinalubong ng itak ng isang lalaki ang mga health authorities na kukuha sa kanyang pamilya na pawang mga suspected COVID-19 patient.
Ayon kay Kap. Norberto Valdez, kasalukuyan ang ginagawang contact tracing ng harangin ng lalaki ang mga otoridad subalit dala lamang ito ng pagkabigla hanggang sa napaliwanagan na bahagi ito ng ginagawang hakbang ng mga otoridad sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng opisyal, agad namang tumugon sa pagsasailalim sa swab test ang mga ito at pinayuhang maghome quarantine para sa kaligtasan ng lahat.
Bukod dito, wala ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay at binabantayan na lamang ang dalawang residente habang hinihintay ang resulta ng kanilang pagsusuri.
Matatatandaang nakapagtala ang barangay ng 1 kumpirmadong kaso ng tinamaan ng virus habang ang miyembro ng pamilya nito ay negatibo sa resulta ng swab test.
Hinihimok naman ng opisyal ang kabarangay nito na sumunod sa alituntuning ipinapatupad upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.