Nasa kapangyarihan ng Kongreso ang anomang posibleng hakbang sa gitna ng tila kawalang ngipin sa umiiral na Human Security Act at sa harap ng ulat na dumarami ang nare-recruit na mga kabataan ng rebeldeng komunista.
Ito ang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kasunod ng naging pahayag ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na ang recruitment per se ay hindi itinuturing na labag sa batas.
Nasa Kongreso ani Panelo ang bola kung paano palalakasin ang Republic Act 9372 na una nang sinabi DILG Secretary Eduardo Año na kulang ng ngipin kaya’t hindi maituring na isang paglabag ang recruitment bilang isang criminal offense.
Inihayag ng tagapagsalita ng Palasyo na kung sadyang limitado ang saklaw ng sa kung ano ang itinatakdang mga paglabag sa ilalim ng Human Security Act ay mga mambabatas na ang dapat sumilip dito para sa kaukulang pag-aamyenda.
Sa kabilang dako’y kailangan naman ng pag-aaral ayon kay Panelo sa mungkahing buhayin ang Anti-Subversion Act na ibinasura ni dating Pangulong Fidel Ramos noong Setyembre 1992.