Pag-amyenda sa Philippine Nursing Act, isinusulong na sa Kamara

Pinapaamyendahan nila House Majority Leader Martin Romualdez, Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at 28 iba pang kongresista ang Philippine Nursing Act of 2002.

Sa ilalim ng House Bill 7344, itinutulak ang pagkakaroon ng isang basic program para sa nursing education upang mahasa ang kakayahan mula sa entry-level hanggang sa dekalidad na pagsasanay sa nursing.

Bukod sa basic program ay magbibigay rin ng graduate program para naman magkaroon ng dagdag na mastery at expertise ang isang nurse sa pagsasanay ng kanyang propesyon, sa research at education.


Kasama rin sa curriculum ang community integration and immersion upang mas mahimok ang mga nursing graduates na magsilbi sa mga komunidad.

Itinutulak naman ng panukala na bago ma-admit o makapasok sa nursing program ay kailangan munang sumailalim sa isang pagsusulit na National Nursing Admission Test (NNAT).

Ang panukala ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang SONA na paigtingin ang nursing education ng bansa.

Facebook Comments