Sinuportahan at ikinatuwa ni Nueva Ecija, 3rd District Rep. Rosanna Ria Vergara ang kautusan ng Department of Agriculture o DA na pansalamantalang nagpapahinto sa importasyon ng sibuyas hanggang Mayo at posibleng palawigin hanggang Hulyo.
Para kay Vergara, isa itong magandang balita lalo na sa mga magsasaka na magsisimulang mag-ani ng sibuyas sa pagtatapos ng Pebrero.
Mungkahi ni Vergara sa DA, tingnan munang mabuti ang lokal na produksyon ng sibuyas bago muling pahintulutan ang pag-angkat.
Paliwanag ni Vergara, babaratin ng mga negosyante ang ating mga magsasaka kung magpapasok sa bansa ng murang imported na sibuyas sa panahon ng anihan.
Giit pa ni Vergara, dapat palakasin ang ating onion industry at seguridad sa pagkain at isagawa lang ang importasyon kung kulang ang locally produced onions.