
Ipinunto ni Senator Migz Zubiri na posibleng may paglabag sa Konstitusyon ang ipinasang 2025 budget ng Kongreso para sa Department of Education (DepEd).
Tinukoy ni Zubiri na sa ilalim ng Konstitusyon ay education sector ang dapat na may pinakamalaking pondo sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA) pero nabaligtad na ito dahil Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang pinakamataas na budget sa susunod na taon.
Sa ilalim ng 2025 national budget, ang DPWH ay may alokasyon na ₱1.1 trillion habang ang DepEd ay aabot lamang sa ₱737 billion.
Paliwanag ni Zubiri, posibleng may paglabag sa Saligang Batas dahil salig sa Article 5 ng 1987 Constitution na education sector ang highest priority at dapat na makatanggap ng pinakamataas na pondo sa bansa.
Posible aniyang may ilang grupo ang kumwestyon ng naging desisyon ng Kongreso sa korte.
Magkagayunman, mareremedyohan lamang ito kapag ginamit ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang veto powers sa line item budget ng ahensya.
Umaasa si Zubiri na maibalik sana ni Pangulong Marcos ang ₱10 billion na natapyas na budget sa computerization sa DepEd dahil dito pa naman mahina ang mga kabataan dahil sa kawalan ng access sa computer system.









