
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na nagsusulong ng reorganisasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung saan ihihiwalay na ito bilang isang ahensya at tatawagin nang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev).
18 ang bumoto at wala namang tumutol sa Senate Bill 2878 nang magbotohan ang mga senador.
Layon ng panukalang DEPDev na iangat ang papel ng NEDA sa pamamagitan ng pagbibigay ng buong awtoridad ng isang Executive Department.
Kumpiyansa si Senate Committee on Economic Affairs Chairman Migz Zubiri na sa tulong ng DEPDev ay makakaasa na sa mas mainam na economic planning at implementation na magbubunga ng mas maraming trabaho, mas malaking kita, at pag-unlad para sa bansa.
Sinabi rin ni Zubiri na mahalagang hakbang ang DEPDev para epektibong maihanay ang ating economic planning sa policy implementation.