Pag-arangkada sa Disyembre ng clinical trials ng COVID-19 vaccine, malabo pa; Target date ni Pangulong Duterte sa pagbibigay ng bakuna sa mga Pilipino, hindi pa matiyak ng DOST

Itinanggi ng Department of Science and Technology (DOST) na masisimulan na ang clinical trials ng potential COVID-19 vaccine sa Pilipinas sa susunod na buwan.

Sa interview ng RMN Manila kay DOST Sec. Fortunato de la Peña, sinabi nito na wala pa silang pormal na ini-endorso sa Food and Drugs Administration para sa mga kompanyang magsasagawa ng clinical trials ng COVID-19 vaccine sa bansa.

Ayon kay de la Peña, sa dalawampung (20) manufacturers na nag-aplay para sa pagsasagawa ng clinical trials, anim rito ang nasa phase 3 pa lang ng pag-aaral.


Ang anim aniya na ito ay wala pang nakakakumpleto ng mga dokumento na kinakailangan ng panel of vaccine experts ng DOST at ethics board.

Dahil rito, hindi masabi ng kalihim kung maaabot o hindi ang target ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabakunahan ang mga Pilipino pagdating ng May 2021.

Kabilang sa mga kompanyang magsasagawa ng clinical trials sa Pilipinas ay ang Sinovac ng China; Janssen; Sputnik V ng Russia; Clover Biopharmaceuticals, Astrazeneca at Pfizer.

Facebook Comments