Tiniyak ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa pamunuan ng International Labour Organization (ILO) na didinggin ang mga nagaganap na pag-atake sa karapatan ng mga manggagawa at mga samahan nito.
Ang pahayag ni Bello ay matapos mabanggit ng ILO ang ulat tungkol sa “mga bagong alegasyon ng karahasan at pananakot” laban sa mga manggagawa.
Sinabi ng kalihim na ang mga ulat ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ay tinutugunan ng National at Regional Tripartite Monitoring Body (RTMB) ng DOLE.
Tumutulong aniya sila upang tiyakin ang mabilis na imbestigasyon at pagresolba sa mga sinasabing pagpatay, pananakot, at pagdukot sa mga lider at miyembro ng unyon sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga kinatawan ng manggagawa at employer sa pagsubaybay sa mga kaso.
Nalaman kay Bello na may mahigit sa 60 na kaso ng extrajudicial killings at tangkang pagpatay ang naitatala sa mga lider ng manggagawa at kasamahan nito kung saan 20 sa bilang ay nakabinbin sa korte ang kaso habang ang iba ay iniimbestigahan pa.