
Inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-export ng 100,000 metriko tonelada ng raw sugar sa Estados Unidos.
Ito ay bilang hakbang para mabawasan ang suplay ng raw sugar sa loob ng bansa na dulot ng humigit-kumulang 130,000 toneladang pagtaas sa produksyon ng mga lokal na magsasaka noong nakaraang ani at para makatulong na maiangat ang humihinang farmgate prices.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ang paglalaan ng bahagi ng ani para sa export sa ilalim ng U.S. tariff-rate quota ay makatutulong na mabawasan ang sobrang suplay ng raw sugar at maibsan ang pababang presyo na patuloy na nagpapahirap sa mga producer sa kabila ng mga naunang hakbangin sa polisiya.
Kasabay ng export plan na ito ay ang pagpapalawig ng DA at SRA sa import freeze sa asukal hanggang Disyembre ng taong ito, bilang patuloy na proteksyon sa mga lokal na producer, habang gumaganda ang produksyon ng raw sugar at nananatiling mataas ang imbentaryo.
Sinabi ni Sugar Regulatory Administrator Pablo Luis Azcona na ang pag-apruba sa export ay sumasalamin sa malaking pagtaas ng produksyon ngayong crop year at isang napapanahong hakbang upang maibalanse ang suplay at demand.










