Pag-hire ng veterinarians sa mga pantalan para sa mga alagang hayop na isasama sa biyahe ngayong semana santa, inirekomenda ng isang senador sa PPA

Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino sa Philippine Ports Authority (PPA) ang pag-hire ng veterinarians on-site para suriin ang mga alagang hayop na kasama sa paglalakbay ngayong paggunita ng Mahal na Araw.

Sa pakikipagusap ni Tolentino kay PPA General Manager Jay Santiago, tinukoy ng senador ang nakagawian ng ilang biyahero na isama ang kanilang mga alagang hayop sa pagbyahe subalit dahil sa kawalan ng health documents para sa mga alaga ay kadalasang nagiging sanhi ito ng pagtatalo sa pagitan ng pasahero at mga port authorities.

Hinimok ni Tolentino ang PPA na magtalaga ng veterinarians on-site para suriin ang mga alagang hayop at mag-isyu ng dokumento para payagan ang pets na maisakay rin ng barko.


Inirekomenda pa ng mambabatas na maaaring makipag-ugnayan ang PPA sa Philippine Veterinarians Association para sa pagbibigay ng serbisyo upang matulungan ang mga biyahero.

Aniya pa, magmimistula itong Lakbay Alalay pero hindi sa mga tao kundi sa mga alagang hayop at tiyak na magugustuhan ang hakbang na ito ng animal rights advocates.

Sisikapin naman ng PPA na gawin ang inisyatibong ito ngayong Holy Week.

Facebook Comments