Pag-hospital arrest kay dating PhilHealth Chief Morales, maaga pa para pag-usapan

Hindi pa napapanahon para pag-usapan ang mungkahi ni ACT-CIS Partylist Representative Jocelyn Tulfo na isailalim sa hospital arrest si dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Chief Ricardo Morales, makaraang irekomenda ng Task Force PhilHealth ang pagsasampa dito ng patong-patong na kaso kasama ang iba pang mga opisyal ng state insurer.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa ngayon ay ihahain pa lamang nila ang reklamo sa Office of the Ombudsman.

Aniya, ang Ombudsman ay magkakasa ng sarili nitong fact finding at preliminary investigation at kapag nakitaan na may sapat na basehan o probable cause ay iaakyat ito sa Sandiganbayan.


Paliwanag ni Guevarra, ang usapin hinggil sa pagsasailalim sa hospital arrest ay pag-uusapan kapag nasa husgado na ang kaso at tanging korte lamang ang magdedesisyon hinggil dito.

Sa ngayon, may mga kinakalap pa ang task force na mga karagdagang ebidensya nang sa ganon ay paniguradong suportado ng mga katibayan ang pagkakadawit ng mga opisyal sa katiwalian sa PhilHealth.

Facebook Comments