Muling pinalawig ng International Press Center ang deadline para sa pa-i-issue ng ID sa mga kagawad ng media na exempted sa pinaiiral na enhanced community quarantine ng pamahalaan.
Ayon kay News and Information Bureau – IPC Director Virginia Arcilla-Agtay imbes na hanggang ngayong araw, March 21 ang pagrerelease ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng Special Media Pass ay pinalawig pa nila ito ng 5 araw o hanggang alas dose ng tanghali ng March 26, 2020.
Sinabi ni Agtay na ang nasabing extension ay aprubado ng Task Force at iaanunsyo ni Cabinet Secretary Karlo Alexis Nograles ang detalye hinggil dito.
Nabatid na libu-libong kagawad ng media ang nag-apply para sa nasabing Special Media Pass para maipagpatuloy ang pagbibigay nila ng serbisyong publiko sa kabila ng pag-iral ng enhanced community quarantine.
Una nang sinabi ng PNP at DILG na maaari paring magamit ang mga company ID ng mga kagawad ng media para sila ay ma-exempt at makalusot sa mga community quarantine checkpoint.