Pag-iwas sa Sakit na Polio, Ipinaalala ng City Health Office!

Cauayan City, Isabela- Nananawagan sa publiko ang tanggapan ng City Health Office lalo na sa mga magulang sa Lungsod ng Cauayan na pabakunahan ang mga anak para makaiwas sa sakit na dulot ng Polio.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Errol Maximo, tagapagsalita ng CHO 1, bagama’t wala pang naitatalang kaso ng polio sa lungsod ay mas mabuti nang maagapan ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng nasabing sakit.

Aniya, ito ay nakakahawa sa pamamagitan ng direct contact, contact with infected mucus gaya ng sipon, plema, dumi at mga kontaminadong pagkain at tubig na posibleng mauwi sa tinatawag na Polio Mayolitis o Acute Flacid Paralysis.


Ilan sa mga sintomas ng sakit na polio ay pagkakaroon ng severe muscle pain o tulad ng mga stroke patient na hirap sa paggalaw ng bahagi ng katawan at hirap sa paghinga.

Kanyang nilinaw na wala pa umanong direktang lunas sa sakit na polio.

Mainam naman aniya na makibahagi sa kampanya ng Department of Health na ‘Comeback to Bakuna’ dahil malaki umano ang tsansa na makaiwas ang isang indibidwal sa sakit na polio.

Hinihikayat naman ng City Health Office ang publiko na magpabakuna sa kanilang tanggapan tuwing araw ng Miyerkules dahil libre aniya itong ibinibigay sa isang pasyente.

Facebook Comments