Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9147 o ang panukala na nagre-regulate sa single-use plastics.
Sa botong 190 Yes, 0 No at 1 Abstention ay napagtibay sa third and final reading ang Single-use Plastic Products Regulation Act na layong i-ban at kontrolin ang paggamit ng single-use plastics sa bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas ay nire-regulate ang paggawa, importasyon, pagbebenta, at paggamit ng single-use plastics.
Inililipat sa mga plastic producers ang responsibilidad na i-recover ang mga plastic waste para maagapan ang pagkasira ng ilog at dagat at iba pang pinsala sa kapaligiran.
Sa boto namang 192 affirmative at 6 negative, pinagtibay ang House Bill 9171 o Plastic Bag Tax Act kung saan pinapatawan naman ng P20 excise tax ang kada kilo ng single-use plastic bags.
Ang kikitain naman mula sa buwis na ito ay gagamitin para sa implementasyon ng Republic Act No. 9003, o “Ecological Solid Waste Management Act of 2002.”
Sa oras naman na maging ganap na batas ito ay mahihikayat na ang publiko sa paggamit ng mga environment-friendly bags kapalit ng mga single-use plastic bags.