Kasado na sa susunod na Huwedes, February 6, ang gagawing pagbusisi ng Senate Committee on Foreign Relations sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Committee Chairman Senator Koko Pimentel, ang pagsasagawa ng pagdinig ukol sa VFA ay napagkasunduan sa kanilang pulong kanina kasunod ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbasura dito.
Sabi ni Pimentel, sa pagdinig ay tatalakayin kung ano ang pakinabang ng bansa sa VFA, at ano ang ating intres na nakasalalay dito.
Kukumustahin ang implementasyon ng VFA, nga problemang kaakibat nito at solusyon.
Ipinaalala ni Pimentel na nakapaloob sa RP-US agreement ang pagsasagawa ng periodic review sa VFA na dapat ay ginagawa ng legislative oversight committee at VFA commission.
Tiniyak ni Pimentel na sasaklawin din ng pagdinig ang iba pang kasunduan ng Pilipinas sa Amerika kung saan konektado ang VFA tulad ng enhanced defence cooperation agreement at mutual defense treaty.