Pag-upo Bilang Pinuno ng Salaknib Battalion, Isang Malaking Hamon

Cauayan City, Isabela- Itinuturing ng bagong upong Commanding Officer ng 95 th Infantry ‘Salaknib’ Battalion ng 5th Infantry Division, Philippine Army na isang hamon ang pagtalaga sa kanya upang pangasiwaan ang tropa at pagsilbihan ang mga mamamayan sa Isabela.

Sa ginanap na Change of Command ceremony kahapon, Enero 16, 2021 sa headquarter ng 95th IB sa bayan ng San Mariano na pinangunahan ni MGen. LaurenceE. Mina PA, pinuno ng 5ID, ipinasa na ni LTC Gladiuz C Calilan INF ang kanyang pwesto matapos ang higit 2 taon na pamumuno kay LTC Lemuel A Baduya (INF) PA na outgoing Deputy Chief of Operations Research Center ng Philippine Army.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pagsilbihan ni LTC Baduya ang Lambak ng Cagayan matapos ang kanyang pagkakatalaga ng maraming taon sa Mindanao, Visayas at National Capital Region.


Inihayag nito sa kanyang acceptance speech na ang pag-upo nito ay isang hamon at oportunidad na pagsilbihan ang maraming Isabelino na kung saan ay nangako ito na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya upang maipagpatuloy ang magandang nasimulan at pamamahala ni outgoing LTC Calilan.

Tiniyak din nito na magpapatuloy ang magandang pakikipag-ugnayan ng kanyang pamumunuang hanay sa mga stakeholders at iba pang ahensya upang mapanatili ang seguridad, kaayusan at kaunlaran sa probinsya.

Nagpapasalamat naman si LTC Calilan sa Salaknib Startroopers dahil sa ipinakitang pakikiisa at pagsisikap para makamit ang mga naging accomplishment ng kanilang hanay.

Pinasalamatan din ni MGen Mina si LTC Calilan dahil sa magandang pamumuno at dedikasyon nito sa Salaknib Battalion.

Hinamon naman nito ang bagong pinuno ng 95IB na ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan sa hanay at tanggapin ng buong puso ang magiging responsibilidad ng isang Battalion Commander.

Si LTC Calilan ay uupo naman bilang Assistant Chief-of-Staff for Operations ng 5th Infantry Division, Philippine Army.

Facebook Comments