Cauayan City, Isabela- Ikinukonsidera ng Cauayan City Veterinary Office sa lalong pagdami ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Lungsod ay ang palihim na pag-uuraga o pagkatay mismo ng mga may-ari ng baboy.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, Veterinary head ng Cauayan City, sinabi nito na isa sa kanilang suspetsa na dahilan kung bakit biglang dumami ang tinamaan ng sakit ng baboy sa Lungsod ay dahil sa pagkakatay ng ilang mga backyard o hog raisers sa mga alagang baboy na hindi dumaan sa tamang proseso at ibinebenta o ipinapautang ang karne sa mga kapitbahay.
Dahil dito, lalo aniyang kumalat at lumala ang kaso ng ASF sa Lungsod kung saan nasa mahigit 30 na mga barangay na ang nakitaan na positibo at suspected sa sakit ng baboy.
Una nang naglabas ng kautusan si Isabela Governor Rodito Albano na mahigpit na ipinagbabawal ang ‘Uraga System’ o pagkatay ng baboy sa mga bahay at ito’y kinakatay lamang sa mga pinayagang slaughter house upang matiyak na ligtas ang baboy sa ASF.
Ayon pa kay Dr. Dalauidao, maituturing aniya na second wave ng ASF ang naitatalang kaso ngayon sa Lungsod ng Cauayan dahil una na itong humupa bago pa magkaroon ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Pinapaalalahaan naman ang mga may-alagang baboy na maging disiplinado, huwag itapon sa ilog o irigasyon sakaling may mamatay na alagang baboy upang hindi makahawa sa ibang baboy.
Nagtatagal aniya ang virus sa katawan ng baboy ng mahigit isang (1) buwan kaya’t kinakailangan na maibaon agad sa lupa upang hindi na maikalat o maihawa sa ibang baboy ang taglay na virus.
Maaari kasi aniyang maikalat ang virus sa pamamagitan ng pagdapo ng mga langaw na idinadapo rin sa ibang mga kulungan na may kargang baboy.