Pag-veto sa panukalang Bulacan Airport at Ecozone, posibleng dahil hindi ito napag-aralang mabuti o kaya ay may nagmagaling

Naniniwala si Senator Imee Marcos na posibleng hindi napag-aralang mabuti o kaya ay mayroong nagmagaling kaya na-iveto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act.

Tumanggi naman si Senator Marcos na tukuyin kung sino ang posibleng nagmagaling kaya nai-veto ang nabanggit na panukala na inaasahang lilikha at magbibigay ng maraming trabaho at hihikayat sa mga mamumuhunan.

Kaya dalangin ni Marcos na siyang nag-sponsor ng panukala, hindi ito magdulot ng chilling effect o pangamba sa mga negosyante o investors.


Nagtataka rin si Marcos kung bakit isa sa nakita ng Palasyo na depektong probisyon sa panukala ay hindi sasailalim sa pagbusisi ng Commission on Audit ang Bulacan Ecozone.

Giit ni Senator Marcos, inaral o nirepaso uli nila nina Senator Ralph Recto at Joel Villanueva ang nilalaman ng panukala at wala namang nakapaloob dito na probisyon na nag-i-exempt sa naturang ecozone sa pagbusisi ng COA.

Diin pa ni Marcos, wala rin silang nakitang probisyon na maaring makalabag sa konstitusyon.

Ikinatwiran pa ni Marcos na walang development na tatayuan ng ecozone at wala pang revenue sa ngayon kaya walang basehan ang ikinatatakot na malaking kita na mawawala sa gobyerno kapag naipatupad ang panukala.

Facebook Comments