Pagapruba sa National Emergency, inaantabayanan na sa Plenaryo

Inaantabayanan na maaprubahan ngayong araw sa plenaryo ang House Bill 6616 o ang pagdedeklara ng National Emergency para tugunan ang COVID-19 matapos na aprubahan ito ng binuong Committee of the Whole ng Kamara.

Sumalang na sa interpelasyon ang panukala kung saan pinatiitiyak na hindi maaabuso ang National Emergency.

Sa ilalim ng panukala binibigyang kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na i-expedite o pabilisin ang pagtugon ng gobyerno laban sa COVID-19 disease.


Binibigyang kapangyarihan ng panukala si Pangulong Duterte na i-reallocate ang paggamit sa 2019 at 2020 General Appropriations Act para agad matugunan ang mga pangangailangang serbisyo upang labanan ang coronavirus lalo na sa mga frontliners, mga nagkasakit na ng coronavirus gayundin ang lahat ng apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Inaalis din ang mga restrictions sa batas na nagpapabagal sa procurement ng mga kinakailangang medical equipment, kits, goods, pagtatayo ng infrastructure at iba pang serbisyo.

Tinitiyak din ng panukala na lahat ng mga LGUs ay sumusunod sa regulasyon at mga alituntuning ipinatutupad ng pamahalaan sa ECQ.

May kapangyarihan din ang Pangulo na i-take over ang mga public utilities kung kinakailangan lalo na kung hindi na mapigil ang pagtaas ng presyo ng tubig, kuryente, pamasahe, bilihin at mga produktong petrolyo.

Nilinaw naman ni Deputy Speaker Lray Villafuerte sa pagtatanong ni Minority Leader Benny Abante na hindi malalabag ang konstitusyon dahil may limitasyon at restrictions na ipinatutupad sa national emergency.

Facebook Comments