Cauayan City, Isabela- Bahagyang nasunog ang ilang bahagi ng malaking bodega na pagawaan ng mga pekeng sigarilyo na dating sinalakay ng mga awtoridad sa barangay Palattao, Naguilian, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SFO3 Angelo Anog, Officer in Charge ng BFP Naguilian, dakong 5:30 ng hapon ng Linggo, August 7, 2021 nang matanggap ang impormasyon na nasusunog ang naturang abandonadong bodega.
Agad aniyang tumugon ang kanilang hanay na kung saan natupok na ng apoy ang nasa 5×15 na lawak sa compartment ng bodega.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP Naguilian, hindi pa matukoy kung ano ang dahilan o pinagmulan ng sunog dahil wala aniyang nadatnan na tao sa loob at hindi na rin konektado ang cable mula sa poste ng linya ng kuryente.
Ayon kay SFO3 Anog, kasalukuyan pa nilang tinitignan ang dahilan ng sunog dahil wala aniyang nakikitang bakas na posibleng sinadyang sunugin ang bodega.
Umabot aniya sa second alarm ang sunog na kung saan nakipagtulungan sa pag-apula ang apoy ang BFP City of Ilagan, BFP Benito Soliven, BFP Reina Mercedes, BFP Cauayan at mga volunteers ng Cauayan City at Ilagan.
Idineklara nang ‘fire out’ ang sunog bandang 7:10 ng gabi.
Ayon pa kay SFO3 Anog, nagpapatuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring sunog sa abandonadong warehouse.
Matatandaan noong May 28, 2020, sinalakay ng mga pinagsanib-pwersa ng Naguilian Police Station, PNP-SWAT, IPPO-SOCO Team, Bureau of Internal Revenue at LGU Naguilian ang nasabing bodega matapos madiskubre na ito ay pagawaan pala ng mga pekeng sigarilyo na pagmamay-ari ng mga intsik na inakalang ito ay isang Rice mill warehouse.