Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya na maituturing na matagumpay ang kanilang naging hakbang sa pagbaba ng mga naitatalang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lalawiagan.
Ito ay matapos pumalo sa 43 ang nananatiling aktibong kaso sa probinsya kung ikukumpara sa mga nagdaang araw na umaabot sa mahigit sa 100 ang aktibong kaso.
Ayon kay Gov. Padilla, ilan sa dahilan ng unti-unting pagbaba ng mga kumpirmadong kaso ng probinsya ay ang pagtutulungan ng mga local officials gayundin ang mga Novo Vizcayanos.
Ipinunto rin ng gobernador na malaking tulong ang isinagawang Aggressive Mass Testing sa lalawigan dahil mas naging maaga ang pagsasailalim ng ilang residente para matukoy ang kalagayan ng kanilang kalusugan.
Sa katunayan, libreng ipinamigay ng DOH ang ilang swab test kit para sa isinagawang mass testing at kalauna’y naging positibo ang kinalabasan nito.
Samantala, nangungutang ngayon ang Pamahalaang Panlalawigan ng P1 bilyon para sa ilang paglalaanang proyekto gaya ng road construction sa mga bulubunduking bahagi ng probinsya, pondo para sa dalawang malaking ospital at iba pa na isang paraan para sa inaasahang pagbabalik normal ng ekonomiya sa lalawigan.
Hiniling naman nito sa Vizcayanos na huwag pa rin magpabaya sa kanilang sarili at ugaliin pa rin ang pagsunod sa health protocol.