Pagbaba ng inflation nitong Marso, epekto ng iba’t ibang hakbang ng pamahalaan —DOF

Welcome para sa Department of Finance (DOF) ang headline inflation na naitala nitong nakaraang Marso na pinakamababa mula noong tumama ang pandemya.

Ito ay matapos umabot lamang sa 1.8% ang antas ng paggalaw ng presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa na mas mabagal sa 2.1% na naitala noong Pebrero.

Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang masigurong ramdam ng bawat Pilipino ang pagbaba ng presyo ng bilihin lalo na ang pagkain.


Isa sa pangunahing dahilan ng pagbaba ng inflation nitong Marso ang pagbagal ng pagtaas ng presyo ng food at non-food items.

Dulot anila ito ng mga hakbang ng gobyerno gaya ng pagpapababa sa maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas na nasa ₱45 ang kada kilo bukod pa sa ang ibang programa ng Department of Agriculture (DA) at ang mahigpit na pagpapatupad ng import regulations.

Nagkaroon din ng epekto sa mababang inflation ang pagbabantay ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council kontra price manipulation.

Gayundin ang utos ng Energy Regulatory Commission sa Meralco na balik bayad ng mahigit ₱19.5 billion sa consumers sa loob ng mahigit tatlong taon.

Facebook Comments