Hindi makatotohanan ang pagbaba ng inflation rate sa 2.7% ngayong Hunyo mula sa 3.2% noong Mayo.
Giit nila Bayan Muna Representatives Carlos Zarate at Ferdinand Gaite, hindi naman nararamdaman ng mga Pilipino ang pagbaba ng inflation rate dahil hindi naman bumababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Sa katunayan, nagtataasan pa ang presyo ng gatas, kape, karne, gulay at iba pang pangangailangan gayundin ang presyo ng petrolyo.
Iginiit ng mga kongresista na isang “figure” o numero lamang ang pagbaba ng inflation rate pero hindi ito nagre-reflect o nakikita sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino dahil marami pa rin ang mahihirap.
Nagbabala pa sina Zarate at Gaite na mababaon pa lalo sa hirap ang mga Pilipino sa mga susunod na dekada dahil sa 15.8% na itinaas ng utang ng bansa na nasa P7.915 trillion ngayong taon kumpara sa P6.832 trillion noong 2018.