Hindi pa dapat ikaalarma ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Paliwanag ni OCTA Research Group fellow Dr. Butch Ong, ang 1.41% na 7-day positivity rate sa National Capital Region (NCR) at 2% sa buong Pilipinas ay mababa pa rin sa 5% na recommended positivity level ng World Health Organization (WHO).
Ibig sabihin, kakaunti pa rin ang nagpopositibo sa kada 100,000 populasyong sumasalang sa COVID-19 testing.
Pero babala ni Ong, posibleng tumaas pa ang kaso kung magpapabaya ang publiko.
Kasabay nito, sinabi ng health expert na masyado pang maaga para sabihing pwede nang ibaba sa Alert Level 1 ang Metro Manila.
Aniya, bago magdesisyon ay hintayin muna ang datos mula December 20 hanggang 25 na inaasahang sa Enero pa mailalabas.
“I think it’s premature to say na pwede nang ibaba sa Alert Level 1 kasi alam naman natin na yung Omicron variant of concern has already been detected although na-quarantine agad ‘no,” ani Ong sa interview ng RMN Manila.
“The thing is, with the lowing ng alert level, kailangan natin ng evidence based, kailangan may datos tayo na nagpapatunay na safe na talagang bumaba sa alert level [1]. Normally, we would wait around two weeks ng data, bago tayo mag-decide,” paliwanag pa ng health expert.