PAGBABAKUNA SA BAWAT BARANGAY, IKAKASA NG CAUAYAN CITY HEALTH OFFICE

Cauayan City, Isabela- Ilalarga na sa susunod na Linggo ng Cauayan City Health Office ang gagawing pagbabakuna sa bawat barangay sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Nurse 1 Vianney Uy ng City Health Office 1, isasagawa nila ito bilang pagtugon sa direktiba ni President Bongbong Marcos Jr. kung saan target nito na sa loob ng isangdaang araw na kanyang panunungkulan ay dapat maabot na ang 50 percent na mabakunahan ng booster dose sa mga pasok sa age group habang siyamnapung porsyento naman ang dapat na mabakunahan sa hanay ng mga senior citizen.

Kaugnay nito, magtutungo sa bawat nasasakupang barangay ang mga vaccinators ng City Health Office 1, 2 at 3 para doon na isasagawa ang covid vaccination.

Gayunman, tuloy pa rin ang dating schedule ng bakunahan sa tanggapan ng CHO 1 na isinasagawa kada araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Sa pinakahuling tala ng CHO sa vaccination rate ng Cauayan City, nasa 97 percent na ang mga naturukan ng 1st dose; 91 percent ang fully vaccinated habang nasa labinlimang porsyento pa lamang ang nabakunahan ng booster shot mula sa 50 percent na target population.

Ayon pa kay Nurse 1 Uy, nasa 38,000 na tao pa ang kanilang kailangang mabigyan ng booster shot upang makamit ang target ng pamahalaan.

Muli namang hinihikayat ang publiko o sa mga hindi pa nakapag pa booster na magbooster shot na para mapigilan ang muling pagsipa ng bilang ng COVID-19 cases sa Lungsod.

Samantala, sa pinakahuling datos ng City Health Office, nasa 33 ang active cases ng COVID-19 sa Cauayan City kung saan ang 13 pasyente ay naka-admit sa ospital habang ang 20 naman ay naka home-quarantine.

Facebook Comments