Pinakokonsidera ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na mabakunahan na rin ang ating mga kabataan na edad 12 hanggang 15 sa gabay ng mga eksperto.
Paliwanag ni Pangilinan, dahil sa mas nakakahawa ang COVID-19 Delta variant, hindi sapat ang lockdown lang.
Diin ni Pangilinan, kailangan ng ayuda, pinag-ibayong testing, at mas maraming bakuna kung saan sana ay maisama rin ang mga bata sa mababakunahan para sila ay mabigyan ng proteksyon.
Tinukoy rin ni Pangilinan ang sinabi ng Department of Health (DOH) na noong May 28 ay inamyendahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization (EUA) para sa Pfizer at isinama ang mga 12-15 years old.
Panawagan ito ni Pangilinan sa gobyerno makaraang ihayag ng Philippine General Hospital (PGH) na okupado na ang Intensive Care Unit (ICU) beds nito para sa mga bata na tinamaan ng COVID-19.
Kaugnay nito ay nangako naman si Pangilinan na isusulong na madagdagan ang budget ng PGH para sa susunod na taon.
Katwiran ni Pangilinan, bahagi ito ng pagpapalakas sa ating healthcare system para maproteksyunan ang buhay ng mamamayan lalo na ang mga kabataan ngayong may pandemya.