Isang necrological mass ang isinagawa sa Church of Gesu sa Ateneo De Manila University para kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Alas-9:10 kaninang umaga nang dumating sa chapel ang urn ng dating pangulo mula sa tahanan ng kanyang kapatid sa Green Meadows Subdivision sa Quezon City.
Sinalubong ang urn ni PNoy ng honor guards.
Eksaktong alas 10:00 ng umaga ng umpisahan ang necrological mass sa pangunguna ni Archbishop Socrates Villegas.
Sa eulogy, binigyang-diin ni Archbishop Villegas na dapat ibalik, ipreserba, pangalagaan at protektahan ang namamatay nang disenteng pamamahala sa gobyerno na itinaguyod sa pamamahala ni dating Pangulong Aquino.
Pinasalamatan din ng arsobispo ang dating pangulo sa mga nagawa nito para sa bayan.
Samantala, pinasalamatan naman ni Ballsy Aquino-Cruz, ang panganay na kapatid ng dating pangulo ang lahat ng nagmamahal kay PNoy.
Ayon kay Ballsy, bagama’t tutol sila noon sa pagtakbo ng kanilang kapatid ay sinuportahan pa rin nila ito dahil sa pangako sa kanilang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.
Si Aquino ay pumanaw noong Hunyo 24 sa ganap na 6:30 a.m. dahil sa renal disease secondary to diabetes.