Pinag-aaralan ng BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) Ministry of Education ang pagpapahintulot sa face-to-face classes sa ilang isolated na lugar sa rehiyon.
Sa joint meeting ng House Committees on Suffrage and Electoral Reforms, Muslim Affairs at Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity, sinabi ni BARMM Minister of Interior and Local Government Naguib Sinarimbo na mayroong request sa ilang lugar na malalayo at walang kaso ng COVID-19 na magkaroon na sana ng face-to-face classes.
Ito ay dahil malaking hamon pa rin para sa mga mag-aaral ang internet connectivity lalo na ang mga nasa isla.
Ayon kay Sinarimbo, kanilang tinitimbang kung magbubukas na ba ng klase sa mga isolated areas.
Hindi kasi aniya maisasantabi na sa pag-biyahe ng mga guro at personnel ay posibleng makakuha ito ng virus at madala sa mga isolated areas.
Kung mangyari aniya ito ay hindi kakayanin ng mga isla at maliliit na komunidad ang pagtaas sa kaso ng COVID-19 dahil sa kawalan ng maayos na health care facility, kakaunting health workers at transportasyon.
Sa ngayon ay inuumpisahan na rin aniya ang pagpapabakuna sa mga manggagawa o kabilang sa A4 category kasama na ang mga guro.